Higit tatlumpung minuto din akong nakatingin lang sa monitor ng laptop na ito. Nagmamasid, naghihintay. Kung may kometa bang babagsak sa kwartong ito ngayon, o titigil ng sandali ang naririnig kong ingay sa kwarto na galing sa makina ng air-con at ng kung anu-anong sasakyan na umaabot ang tunog hanggang sa kwartong ito.
Walang kasiguraduhan.Walang pangakong ibinibigay ang oras at panahon.
Lagi’t lagi, dumarating ako sa puntong napapatahimik at saka pagmamasdan ang mga imahe at letra sa laptop na kaharap ko ngayon. Titimplahin kung kaya pa ba ng mata ko ang makakita o ito’y titigalgal na lamang. Kukusutin kung tama ba ang nakikitang pagdurugo ng mga imahe, letra at salita sa nakikipagtitigang laptop.Tuso ang mga daliri, pumipindot-pindot at saka hinahayaang magsayaw ang kaakuhan sa kunday ng taglagas ng alaala at kawalang-kahulugan.
Isa na naman ito sa mga gabing malamlam ang bati ng dalawa kong mata. Pighati, kasawian, kalungkutan.
Tulad ng dati ko nang sinasabi, gusto kong pumasok sa isang madilim na madilim na kwartong nababalutan ng kung anong mahika kung saan walang naririnig at hindi ka maririnig sa labas. Sa isang lugar na wala kang nakikita kundi ang paghahabulan ng iba’t ibang kulay ng itim, papasok ako at saka uupo. “Bakit nga ba napakaraming kalungkutan sa daigdig na ito?” Ilang segundo. Sisigaw, “Putanginamo, WORLD! Putang-putanginamo! Putanginamo! As in putanginamo! Nakakapagod na! Putanginamo talaga!”Cut to: aagos na ang iba’t ibang hugis ng mga luha mo. At saka ang paikpik na katahimikan.
Matapos ang palabas, lalabas ka ng kwarto. Wala na ang mga luha, nabawasan na ang kinikimkim mong galit at sama ng loob. Kahit saglit, kahit koonti, nakaranas ka ng “relief” sa isang lipunan at mundong hindi mo ma-get kung anong klase ba ng rock genre ang gusto.
