Isa ito sa mga araw na nagdurugo ang buo kong katawan. Pitak-pitak ang daloy ng bawat salita sa isip ko. Isa din ito sa mga araw na hindi ko ipinagdasal sa Iyo. Pero sino nga ba ako para pagbigyan Mo. Ilang ulit na kitang nilulunoy sa batis ng tuyong dahon, o sa di mabilang na sugat ng takipsilim o depende sa kulay ng bukang-liwayway.
Hindi na ako magsasalita. Pero hindi ko mapigilan. Bakit siya? Bakit hindi sila? O bakit hindi ako? Hindi ba sinabi ko naman sa Iyo, ako na lang, ako na lang. Tatanggapin ko naman lahat-lahat dahil alam ko kung saan ako lulugar at dahil alam ko kung anong kinatatayuan ko.
Ito pong bayad. Yun ang natatandaan kong sinabi ko sa driver ng jeep. Dun ko din nakita ang isang ale. May dala-dala siyang gula-gulanit na bayong. Mukha’y pinatanda ng panahon. Pagtingin ko sa labas ng jeep, nagkakagulo ang mga uwak. Gustung-gusto kong makakita ng uwak. Oo, isa iyon sa mga pangarap ko.
Bumaling ako sa katabi kong matandang lalaki. Nakadantay ang kanan niyang paa sa kaliwa kong paa. Nagpapaligsahan sa pagkulubot ang balat niya sa mukha at katawan. Amoy na amoy ko ang mukha ng katandaan. Nakatingin siya sa akin.
Dumiretso kami sa isang pampasaherong bus. Walang air-con. Sira-sira ang mga upuan. May naghuhumiyaw pang mga salita “LET’S MAKE LOVE!” “PAKYU WORLD!” “IBAGSAK ANG PASISMO!” Samu’t saring salita. Lahat may gustong sabihin. Lahat nasasaktan. Lahat humihiyaw dahil sa pamamaga ng sugat. Tao ako, nasusugatan! Saklolo!
Dumating ang konduktor. Sa Cubao, sabi ko. Tiningnan niya ang nakaupo sa kabilang dulo. Ang matanda kanina sa jeep. At saka ko pinagmasdan ang ilaw sa labas ng bus. Ito ang kagandahan ng buhay! Ang pagsilang at kamatayan. Pero bakit nga ba may kinakailangang mamatay? Bakit may kinakailangang magkasakit?
Umuubo ang matandang lalaki sa kabilang dulo. Salit-salitan ang ubo at ang ingay sa TV at ang pagbagsak ng mga luha. Ano na nga ba ang magandang bagay na nagawa ko sa mundong ito? Pagkatapos ng labingpitong taon ng pag-aaral at pangangarap, ano nang mga nangyayari? At bakit Mo ako binibigyan ng ganitong mga pagsubok?
Tumayo ako sa inuupuan ko’t dali-daling lumipat sa tabi ng matandang lalaki.
Ang pinagtataka ko, bakit walang sumasakay sa bus? Wala bang may gusto ng sira-sirang upuan? Ng amoy ng kahirapan? Ng sira ang air-con? Ng malinaw mong nakikita ang nasa labas ng umaandar na bus?
Binuksan ko ang shorts niya. Hindi siya pumalag. Ipinasok ko ang kanang kamay ko sa loob ng kanyang shorts. At saka kinapa-kapa ito. Pinaglaruan ang ano niya. Sinalsal ang ano niya. Bakit hindi ka napalag? Bakit hindi mo tapikin ang kamay kong naglalaro sa loob mo? Naririnig ko ang halinghing ng matanda.
At saka ko iyon itinigil. Tumayo. Hinila niya ako pabalik. Nakatingin siya sa akin. Pinagmamasdan ko ang mukha niya habang patuloy ang pagluha ng kasawian at kapighatian.
Dali-dali akong bumaba ng bus.
Tinakpan ang dalawa kong tainga. Pumikit. Humiyaw sa lahat ng pagsubok na ibinabato ninyo sa akin. Nasaan pa ang sanlaksang pagsubok? Ipukol ninyo, ipukol ninyo!
Umuwi ako ng bahay. Humiga sa kama. Pinatugtog ang paborito kong kanta ng Radiohead.
Nakatingin ako sa kisame. Naghihintay. Nagtatanong.
Ang mga tula ay may malansang titik. Hinog na hinog sa bangungot. Kailan pa nga ba ako naging mapangarapin?
Isa ito sa mga araw kung saan ipinagdarasal kong sana’y hindi na lamang ako nabuhay sa mundong ito.Isa ito sa mga araw na ayaw ko nang balikan.
Narito ang mga luha. Nakasilid sa dibdib ko. Hindi nila makayang umagos at baka matangay ang buong bayan.
Narito ang mga luha.

Leave a Reply