Walang ibang dapat sisihin. Nagbabadya ang mga alon sa dagat ng institusyon, ang mito’y matagal nang iwinaksi, ang haraya at ang daan tungo sa minimithing pagbabago ay unti-unti nang naglalaho.

Walang ibang dapat sisihin. Ikaw na kumanlong sa mga inakay ng kasaysayan. Ikaw na lumihis ng tahak para sa inaasam na kalayaan. Ikaw na ngayo’y nagpapasuso sa batis ng neoliberalismo. Walang ibang dapat sisihin.

Tuklasin kung panis na ba ang gatas mula sa suso. Tiyakin kung tama ang timpla ng pagtutol at pag-anib sa naghaharing nosyon. Bilangin kung ilang saranggola ang lumilipad ng buto’t balat lamang at walang taong nagpapalipad. Amuyin kung masama na ba ang amoy ng teorya. Walang ibang dapat sisihin.

Bakit mo nga ba kinakanlong ang mga inakay na ito sa bisig ng pagsang-ayon? Bakit pinapayagan mong kalimutan ng mga inakay ang dinadapuan nilang mga pugad? Bakit hindi mo ipaalala sa mga inakay na ito kung sino ang nagbibigay ng mga bulati sa kanila para sa ikapagiging malulusog na ibon?

May tali ang mga inakay. Hindi makalipad. Naiwan sa teorya, naging buto’t balat ang mga saronggola. Nasaan ang nagpapalipad?

ANG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS.

~ by jombitsky on October 8, 2009.

Leave a Reply