Mabigat ang tulog ko kagabi. Nagising na lang akong pugtung-pugto ang mga mata at basang-basa ang unan. Hindi ko alam kung dahil ba sa tulo ng laway ko na hindi yata napanis o mga luha na hindi ko alam kung saan nanggaling.
Ang natatandaan. Bago matulog ay nagbilang ako ng tupa. Isa, dalawa, tatlo… pagkatapos niyon ay hindi ko na alam ang mga nangyari. Kabiguan, kapighatian, kalungkutan. Bakit nga ba napakaraming kalungkutan sa mundong ito?
Pagkagising kanina’y tinignan ko ang bintana na nahaharangan ng venetian blinds, madilim ang bati ng bintana, nagbabadya ng kahihinatnan. Umupo ako ng saglit sa kwartong hindi ko makilala, pagkatapos ng ilang taon ng pagtulog ng katawang lupa sa kama, hindi ko mawari kung kilala ko ba ang kwartong ito. Nakikita ko ang repleksyon ko sa salamin. Tunay ngang masakit ang mga alaala.

Leave a Reply